Monday, February 12, 2024

Mga Sakit Sa Balat


Ang balat ang pinakamalaking organ kung kaya naman marami itong function. Nagsisilbing takip o cover ng katawan ang balat para hindi makapasok ang mga germs at maiwasan ang mga infection.

Pinipigilan din ng balat ang pagtakas ng fluids at moisture para hindi tayo ma-dehydrate. Ilan pa sa mga function ng balat ang mga nakalista sa ibaba:
  • tumutulong i-maintain ang tamang body temperature
  • tumutulong sa pag-detect ng mga sensation gaya ng init, - lamig, at sakit (pain)
  • gumagawa ng vitamin D kapag nasisikatan ng araw
Dahil madalas na exposed ang balat sa init at dumi, madalas din itong magkaroon ng iba’t ibang sakit at irritation. Nakaka-contribute din ang mga kinakain at iniinom mong pagkain at inumin sa pagkakaroon ng mga skin problem katulad ng acne.

Panghuli, meron ding sakit sa balat na dala ng bacteria, fungi, parasites, at virus. Ilang examples ng mga ganitong sakit ang athlete’s foot at chicken pox o bulutong.

May mga sakit sa balat na temporary lang katulad ng rashes na dala ng mga allergic reaction, at meron din namang lifetime na katulad ng seborrheic dermatitis at vitiligo. Panghuli, meron ding mga sakit sa balat katulad ng melanoma na pwedeng makamatay kung hindi maagapan.

Kung meron kang skin problem o skin disease, isa sa mga madalas na sintomas ay ang pangangati at pamumula ng balat. Pwede ka ring tubuan ng mga butlig o magkaroon ng rashes na pwedeng mangati (pero pwede rin namang hindi). Minsan, pwede ring mangitim o mamutla ang ilang parte ng balat.

Merong mga ointment na pwedeng ipahid sa parteng namumula o nangangati. Madalas, kung hindi naman seryoso ang sakit, mawawala na rin ito pagkatapos ng ilang oras o araw.

Iwasan lang ang pagkamot o pagkuskos sa rashes para hindi magkagsugat ang balat. Kung walang nagbago o lalong lumala ang mga sintomas, magpakonsulta na sa dermatologist.

Iba't-Ibang Sintomas Ng Mga Sakit sa Balat

Hindi katulad ng ibang sakit na minsan ay hindi nagpapakita ng sintomas, mas madaling makita o malaman kung meron kang sakit sa balat. Kasama sa mga senyales ng iba-ibang skin disease ang mga sumusunod:
  1. pamumuo ng mga pula o puting butlig
  2. pagkakaroon ng bukol o iba pang skin growths
  3. masakit o makating rashes
  4. pagiging makaliskis o scaly ng balat
  5. pagiging magaspang ng balat
  6. sobrang panunuyo ng balat na minsan ay nauuwi sa pagsusugat
  7. biglang pagdami ng mga nunal o pagkalat ng mga nunal sa iba-ibang bahagi ng katawan
  8. pagbabago ng hugis o kulay ng mga nunal
  9. sobrang pamumula ng balat
  10. pagkawala ng skin pigment
  11. pagkakaroon ng skin discoloration
Madalas na may kasamang pangagati ang mga sintomas ng skin diseases. Pwede ring makaramdam ang pasyente ng hapdi o init o yung tinatawag na burning sensation.

Bukod sa mga ito, may iba pang sintomas na pwedeng maramdaman o mapansin kapag merong sakit sa balat ang isang tao. Halimbawa, madalas na nilalagnat ang mga may bulutong. Kapag naman dahil sa allergy ang skin problem, pwedeng mangati ang ibang bahagi ng katawan katulad ng mga mata.

Tandaan na pwede ring maging sintomas ng ibang sakit ang sakit sa balat. Halibawa nito ang lupus, kung saan nagkakaroon ng ang mga pasyente ng mapulang rashes na minsan ay mukhang sunburn sa mukha. Nagdudulot din ng rashes ang measles o tigdas. Ang mga diabetic patients naman ay mas mataas na risk na magkaroon ng yeast infection.

Panghuli, meron ding mga skin problem na lumalabas lang kapag may malaking pagbabago sa katawan ng tao. Halimbawa, may mga babaeng nagkakaroon ng eczema habang buntis pero nawawala din pagkatapos manganak.

Mga Pwedeng Gamot Sa Sakit Sa Balat

Good news naman na karamihan sa mga skin diseases ay nagagamot. Sa katunayan, merong mga pagkakataon na kusang mawawala ang mga butlig o rashes lalo na kung reaction lang ito sa alikabok, pawis, stress, at iba pang triggers.

Sa baba, nakalista ang mga madalas gamiting gamot o treatment para sa mga skin problems para sa mga bata.

Rash Cream

Isa sa mga malaking concerns ng mga mommies ay diaper rash. Madalas nagkakaroon nito si baby kapag hindi agad napalitan ang diaper kapag puno na ito ng ihi o kaya ay pagkatapos dumumi.

Minsan din ay nakaka-irritate sa balat ang mismong material at garter ng diaper. Isang solusyon sa skin problem na ito ay huwag munang suotan ng diaper si baby pagkatapos maghugas para makapagpahinga ang balat.

Pwede ring lagyan ng diaper cream o rash cream ang parteng namumula o nangangati para mas mabilis mawala ang rashes at mabawasan ang pamumula ng balat.

Cold Compress

Maraming sakit sa balat ang nagdudulot ng pangangati, na pwedeng magdulot ng matinding discomfort sa mga bata. Para mabawasan ang pangangati, pwedeng lagyan ng cold compress ang apektadong parte ng katawan.

Makakatulong din ang cold compress para maiwasan ang pagkamot, na madalas ay nagiging dahilan pa ng paglala ng skin conditions.

Antihistamines

Kung na-determine na allergy ang dahilan ng skin condition, pwedeng mag-reseta ang doktor ng antihistamine para mawala ang mga sintomas ng allergy.

Antibiotic o Iba Pang Prescription Medication

Katulad nang nasabi kanina, pwedeng dahil sa ibang sakit ang skin problems. Kapag nagamot na ang sakit, kasabay na magagamot sakit sa balat. Depende sa edad ng bata at sa kung ano ang root cause ng skin problems ang gamot na ire-reseta ng doktor.

Pwede ring gamitin ng mga matatanda ang mga nabanggit na gamot at treatment sa itaas. Kasama pa sa ibang mga solusyon para sa mga sakit sa balat ang mga sumusunod:

Steroids

Para sa mga mas malala at paulit-ulit na kaso ng skin problems, pwede kang bigyan ng steroidal ointments, pills, o injection. Isa sa mga pinakamadalas na gamitin ay hydrocortisone at prednisone, na may kakayahang bawasan ang pamamaga, pamumula, at pangangati ng balat.

Syempre, dapat may tamang reseta bago gumamit ng steroids. Kung injection ang kailangan, dapat qualified medical professional ang mag-turok sa iyo.

Laser therapy o iba pang skin procedures

May mga pagkakataon na mas effective ang mga physical procedure kaysa sa gamot. Halimbawa, pwedeng magpa-laser therapy ang mga may psoriasis para matanggal ang apektadong parte ng balat. Depende sa recommendation ng iyong doktor o dermatologist kung pwede ba sa iyo ang mga ganitong procedure.

Skin Surgery

Sa mga kaso tulad ng skin cancer, minsan ay wala nang ibang paraan kundi ang sumailalim sa operasyon. Maraming pagdadaanang evaluation ang isang pasyente para malaman kung safe bang sumailaim siya sa skin surgery.

Tandaan na kung meron kang lifetime skin condition, hindi na ito tuluyang mawawala. May mga gamot na pwedeng inumin para maiwasan ang tinatawag na flare-ups, pero sa kabuuan, permanente na ang ilang mga skin conditions.

Mga Sanhi At Risk Factor Ng Sakit Sa Balat

Maraming sanhi ang mga skin disease pero meron ding mga kondisyon na hindi pa talaga malaman kung ano ang dahilan. Ilan sa mga pangkaraniwang dahilan ng mga sakit sa balat ang mga sumusunod:
  • bacteria, fungi, parasite, at virus
  • exposure sa maruming paligid, mga irritant, o allergy trigger
  • exposure sa taong may nakakahawang sakit sa balat
  • mga namamanang sakit at iba pang health condition
  • mga sakit na may kinalaman sa immune system
Samantala, may mga risk factor din na nagpapataas ng tsansa na magkaroon ka ng skin disease o maging mas malala ang existing na skin disease. Kasama na rito ang mga sumusunod:
  • madalas na exposure sa matinding sikat ng araw
  • paninirahan sa mga lugar kung saan maraming trigger katulad ng alikabok at usok
  • sobrang pagkonsumo ng mga processed foods at mga mamantikang pagkain
  • sobrang pag-inom ng matatamis na inumin
  • hindi sapat na pag-e-exercise
  • pagkakaroon ng family history ng mga skin disease
  • edad.
Paano Iwasan Ang Mga Sakit Sa Balat Sa Bata?

Sa kabutihang palad, kung wala kang underlying condition o iba pang mga risk factor, madali lang maiwasan ang mga sakit sa balat. Ilan sa mga paraan para maiwasan ang mga skin disease ay ang mga sumusunod:
  1. Sanayin silang maghugas ng kamay pagkatapos humawak ng maruruming bagay at pagkatapos gumamit ng CR.
  2. Para sa mga toddlers, ipaunawa sa kanila na masama ang pagsubo ng mga maruruming bagay katulad ng pagkain na nahulog na sa sahig o lupa.
  3. Turuan sila ng tamang hygiene practices, kasama na ang tamang paghuhugas ng kamay.
  4. Huwag i-share ang mga gamit na madalas madikit sa balat.
  5. Matulog nang sapat. Para sa mga batang edad 3 hanggang 5, ideal na makakuha sila ng mula 10 hanggang 13 hours ng tulog.
  6. Painumin sila ng maraming tubig.
  7. Sanayin silang kumain ng mga masusustansyang pagkain.
  8. Kung walang sakit na pwedeng lumala dahil sa sun exposure, magpa-araw tuwing umaga.
  9. Huwag silang hayaang matuyuan ng pawis.
  10. Iwasan muna ang pakikisalamuha sa mga taong may nakakahawang skin disease.
  11. Magpabakuna laban sa mga sakit sa balat, katulad ng chicken pox.
Paano Iwasan Ang Mga Sakit Sa Balat Sa Matatanda?

Applicable din para sa mga matatanda ang mga nabanggit na paraan ng pag-iwas sa skin diseases sa itaas. Narito pa ang mga karagdagang tips para maiwasan ang mga skin conditions sa mga matatanda:
  • Kung gagamit ng mga public equipment, halimbawa na lang ng mga exercise equipment sa gym, i-sanitize muna ito.
  • Umiwas sa stress, physical man o emotional.
  • Maghilamos nang mabuti at alisin muna ang make-up bago matulog.
  • Maglagay ng sunscreen, kahit na sandali lang ang exposure sa araw.
  • I-moisturize ang balat.
Iba't-Ibang Uri Ng Sakit Sa Balat

Maraming klase ng sakit sa balat. Pwedeng ma-classify ang mga ito bilang temporary o permanent (minsan ay tinatawag ding lifetime). Ang mga sumusunod ay ilan lang sa mga pangkarinawang skin disease o skin cindition:

Acne

Ang acne ang isa sa pinakalaganap na sakit sa balat. Madalas itong lumabas sa mukha, pero meron ding tinutubuan ng tigyawat sa dibdib, balikat, at likod. Kasama sa classification ng acne ang blackheads, whiteheads, at pimples.

Pwede mawala ang acne gamit ang tamang skin care products, pero minsan ay nagre-reseta ang mga dermatologist ng mga gamot kung malala na ang acne.

Atopic Dermatitis

Ang ibang tawag sa atopic dermatitis ay eczema. Madalas, nagsisimula ang skin condition na ito habang bata o sanggol pa lang at nagtatagal na hanggang sa pagtanda.

Kapag meron kang atopic dermatitis, nagkakaroon ka ng mapula at makating rashes sa mga lugar tulad ng alak-alakan, sa loob ng siko, mga singit, at leeg. Permanent skin condition ang atopic dermatitis, kung saan makakaranas ka ng flare-ups depende sa panahon o triggers.

Contact Dermatitis

Ang contact dermatitis ay isang kondisyon kung saan namamaga o nangangati ang balat kapag nadidikit ito sa mga bagay na nagdudulot ng irritation. Kasama sa mga bagay na nakaka-trigger ng contact dermatitis ang mga bagay katulad ng nickel at latex.

Seborrheic Dermatitis

Isa pang uri ng dermatitis ang seborrheic dermatitis. Lumalabas ito sa mga oily na bahagi ng katawan, tulad ng mukha, anit, at likod. Madalas na sintomas nito ang pangangaliskis at pamumula ng balat.

Gaya ng atopic dermatitis, permanent condition ang seborrheic dermatitis. Pwedeng matagal mo itong hindi maranasan, tapos ay mati-trigger ito depende sa panahon o sa environment. Sa mga baby, “cradle cap” ang tawag sa seborrheic dermatitis.

Psoriasis

Ang psoriasis ay isang genetic condition na nagdudulot ng mapulang bukol o patches sa balat na parang may kaliskis sa ibabaw. Madalas itong namumuo sa mga siko, tuhod, at anit.

Wala pang gamot para sa psoriasis, pero may mga cream, injectables, at iba pang skin therapy na pwedeng gamitin para mas maging manageable ang kondisyon na ito. Pwede ring ipa-laser ang apektadong parte ng balat, pero magpa-konsulta muna sa doktor bago ito gawin.

Chicken Pox

Ang chicken pox o bulutong ay dulot ng varicella-zoster virus. May vaccine na para rito at kung nakumpleto na ang doses ay mababa na ang tsansa na magkaroon ng bulutong.

Kung magkaroon man, hindi ganoon kalala ang mga sintomas. Kapag nagkaroon ka na ng bulutong noong bata ka pa at naulit ang infection ng virus, ang tawag na sa sakit ay shingles o herpes zoster.

Rosacea

Minsan ay napagkakamalang acne ang rosacea dahil sa halos magkaparehong sintomas. Ang pagkakaiba lang ay mas madalas na teenagers at young adults ang nagkakaroon ng acne, samantalang mas prone sa rosacea ang mga mas matanda. Madalas nagsisimula ang rosacea sa paulit-ulit na pamumula ng balat sa mukha.

Vitiligo

Nagkakaroon ng vitiligo ang isang tao kapag huminto o namatay na ang mga cells na nagpo-produce ng melanin. Dahil dito, nagkakaroon ng maputing patches ang balat. Nagsisimula ito sa mga exposed na bahagi, katulad ng kamay at braso.

Minsan, may mga kaso ng vitiligo na sa isang bahagi lang ng katawan namumuti ang balat pero mas madalas na kumakalat ito. Madalas din na maagang pumuputi ang buhok ng mga taong may vitiligo.

Sa ngayon, wala pang gamot para sa skin condition na ito. Sa kabutihang palad, hindi naman ito seryoso o nakamamatay. Kaya nga lamang, pwede itong maka-apekto sa self-esteem ng pasyente.

Skin Cancer

May tatlong uri ng skin cancer: squamous cell carcinoma, basal cell carcinoma, at melanoma. Kung maagang made-detect at magagamot, hindi nakamamatay ang skin cancer.

Madalas ay inaalis ang parteng nagkaroon ng cancer sa pamamagitan ng surgical procedures. Minsan naman ay ginagamitan ng radiation o laser ang apektadong bahagi para mamatay ang mga cancer cells.

Sources:
Healthline, Medical News Today, On Health, MedlinePlus, Children's National, Mayo Clinic.




DISCLAIMER:

Ang article na'to ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

No comments:

Post a Comment