Sunday, March 3, 2024

Paano Ba Magpapayat Ang Bagong Cesarean Delivery?


Paano Ba Magpapayat Ang Bagong Cesarean Delivery?

Normal na madagdagan ang timbang pagkatapos manganak. Hindi na gaya ng dati ang iyong katawan at maaaring magbago ito. Ang pagbabawas ng timbang pagkatapos manganak ay magkakaiba ring karanasan sa bawat tao. Kung sa pagbubuntis, hindi pare-pareho ng sitwasyon o pinagdadaanan ang bawat babae, gayundin pagkaraang manganak. Sa iba, maaaring mahirapan silang mapanumbalik ang dati nilang timbang o pangangatawan pero may iba naman na parang walang nangyari pagkatapos manganak. Mabilis silang pumayat o nagagawa nilang maibalik ang dating timbang at laki o hugis ng katawan. Gayunman, kailangan pa rin ang pagbabawas ng timbang pagkapanganak para mabawasan ang anumang banta sa kalusugan.

Pero maraming nga ring nagsasabi na mahirap daw magpapayat at/o magpaliit ng tiyan ang isang bagong cesarean delivery kumpara sa normal delivery. Bukod sa mas mahaba ang panahon na inilalaan sa pagpapagaling, isa pa sa dahilan nito ay napapahina ang abdominal muscle dulot ng operasyon. Nawawala ang kakayahan ng muscle sa tiyan para sapat na suportahan at panatilihin ang maayos ang estruktura ng katawan. Higit na nagiging mahirap ang proseso ng pagpapayat kung magkakasunod din na c-section ang panganganak. Kaya nga isa rin sa nagiging problema ng mga c-section delivery ang pagkakaroon ng ‘C-section pouch’ kapag lumiit na ang tiyan.

Bakit ba tumataba kapag buntis?

Sa panahon ng pagbubuntis, normal na ang pagtaas o pagbigat ng timbang. Habang lumalaki ang iyong baby, unti-unti ka ring bumibigat. Bukod dito, nadedebelop din ang extra body tissue sa iyong katawan at ang pag-retain ng maraming tubig sa katawan. Ito ay para sa amniotic fluid, para sa circulation ng iyong baby, at sa placenta. Gayundin, nagbabago ang iyong appetite sa paghahanap o pag-crave sa mga pagkain na gusto mo na nakaapekto sa pagtaas ng iyong timbang.

Ayon sa The National Health Service (NHS) ng UK, karamihan sa sobrang timbang ay dahil sa paglaki ng baby sa iyong tiyan pero nag-iimbak din ng fats o taba ang katawan na handang gumawa ng breastmilk pagkatapos manganak.

Mahalaga ang mga naii-store na mga fat na ito sa katawan sa pagbubuntis. Ito ang fat na kailangan ng katawan para suportahan ang paglaki ng iyong baby at para sa kaniyang debelopement.

Nawawala ba agad ang mga fats na ito pagkapanganak?

Ang mga fats na ito ay hindi naman agad nawawala pagkapanganak. Ayon sa Baby Centre, ang labis na fluid na nabuo sa katawan sa panahon ng pagbubuntis ay unti-unting mawawala, mababawasan ang pagmamanas at pagiging bloated. Samantala, ang anumang labis na fats na inilaan mo para sa iyong baby ay magsisimula ring matunaw lalo na kung nagpapasuso ka at nag-eehersisyo. Pero hindi ito agaran, umaabot pa nang ilang linggo para makita ang resulta nito.

Ano ang C-section pouch?

Bukod sa C-section scar o ang peklat na dulot ng operasyon, isa rin sa nagiging problema ng mga mommy na nanganak via cesarean delivery ay ang paglawlaw ng balat sa tiyan o pagkakaroon ng tinatawag na c-section pouch. Ginagamit ang termino na ito para ilarawan ang pagkakaroon ng sobrang balat at fatty tissue na nagsasama-sama sa bahagi ng tiyan. Ayon sa website ng Center for Surgery, tinatawag din ng iba ang pisikal na kondisyong ito na ‘pannus stomach’, ‘mummy tummy’ o ‘apron belly’. Batay sa mga pag-aaral, ito ay nagdudulot ng matinding psychological stress at discomfort sa karamihan sa mga mommy na nakaranas ng cs delivery.

Karaniwang nararanasan ang ganitong sitwasyon kapag ang mga muscle sa tiyan ay labis na nabatak o na-stretch na lampas sa limitasyon dulot ng pagbubuntis at proseso ng panganganak. Nagreresulta ito sa panghihina ng kalamnan o muscle at binabawasan nito ang kakayahan na mapanatili ang estruktura ng katawan. Dahil dito, lumalaylay o nagsa-sag ang labis na balat na naiipon o bumabagsak sa ibabang bahagi ng tiyan na parang nagiging isang pouch.

Maraming salik din ang karaniwang kaugnay ng pagkakaroon ng c-section pouch gaya ng pagtaas ng timbang sa panahon ng pagbubuntis, pagbabago ng hormones, at mga kondisyon sa genetics. Kadalasan, mas napapabilis ang pag-alis ng pouch na ito sa isang surgery o tinatawag na tummy tuck procedure. Ngunit maaaring idaan din sa tamang diet at pag-eehesisyo para maiwasan ito.

Kailan ako dapat magbawas ng timbang o magpapayat pagkatapos ng CS?

Pagkatapos mong manganak, nababawasan ang iyong timbang ng nasa 10-13 pounds. Magpapatuloy ang iyong pagbabawas ng timbang pagkaraan ng isang linggo kasabay ng pagkawala ng mga sobrang fluid pa na naimbak sa iyong katawan. Pagkaraan ng anim na linggo, maaaring mas magbawas ka pa nang timba pero magkakaiba-iba ang karanasan ng bawat babae batay sa diet at mga gawain. Gayunman, inirerekomenda na hindi magbawas nang higit sa isa o dalawang pound kada linggo. Kung hihigit pa rito, maaaring magdulot ng usaping pangkalusugan.

Maaari namang magpapayat ang bagong cs kung magaling na ang iyong sugat at may pahintulot na ng iyong ob-gyn na puwede ka nang mag-ehersisyo. Kadalasang pagkaraan ng anim na linggo pagkapanganak, puwede mong simulan ang mga simpleng pag-eeherisyo. Tandaan na huwag bibiglain o madaliin ang lahat, hinay-hinay lamang at bigyan ng sapat na panahon ang katawan na gumaling ito.

Isaisip na isang major surgery ang pinagdaanan mo sa c-section na panganganak kaya mas mahaba ang postpartum recovery period ng iyong katawan. Kahit sa tingin mo ay kaya na ng iyong katawan, mahalagang sundin pa rin ang payo ng iyong doktor para maiwasan ang anumang komplikasyon.

Ano-ano ang mga pampayat para sa bagong CS?

Isa sa pinakamainm na paraan para hindi rin mahirapan sa pagpapayat pagkatapos ang panganganak ay ang pagpapanatili ng tamang timbang sa pagbubuntis. Makabubuting mapanatili lamang ang inirerekomendang timbang habang buntis para maiwasan ang labis na pagbanat ng balat at/o pormasyon ng mga labis na fats sa bahagi ng tiyan.

Iba pang puwedeng gawain para pumapayat o lumiit ang tiyan:

· Pagpapasuso o Breastfeeding - Isa sa epektibong paraan ng pampayat para sa bagong cs o kahit sa normal na delivery ang pagpapasuso. Maraming pag-aaral na nakapagpapatunay na mabisa itong paraan ng pagbaba ng timbang at maaaring makatulong din ito na mabawasan ang c-section pouch.

· Tamang pagkain o Pagpapanatili ng balanced diet - Ang pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa nutrisyon bago, habang, o pagkatapos manganak ay nakaiiwas para sa labis na pagtaas ng timbang. Mainam ang pagkain ng maraming prutas, gulay, at mga pagkain mapagkukunan ng healthy fats.

· Pagpapanatiling hydrated - Higit sa lahat, mahalaga ang pag-inom ng maraming tubig para manatiling hydrated. Kapag well-hydrated nagagawa nitong mapabuti ang elasticity ng ating balat na nakatutulong para mabawasan ang paglawlaw ng balat sap ag-unat nito.

· Pagkakaroon ng sapat na tulog at pahinga - Makaapekto ang kawalan ng sapat na tulog sa iyong metabolism, pagpili ng pagkain, at matinding gutom. Kung puyat ka, matutukso ka na kumain nang hindi malulusog na pagkain para mabilis na ma-boost ang iyong enerhiya. Mas gugustuhin mo rin ang mga instant kaysa magluto pa ng mga pagkain dahil sa wala ka nang lakas at oras na gawin pa ito.

· Pag-eehersisyo - Maaaring simulan ang mga simpleng pag-eehersisyo gaya ng paglalakad-lakad o pagsayaw-sayaw sa iyong baby hanggang sa puwede mo nang gawin ang mga ehersisyo gaya ng magpapatibay ng iyong muscle sa tiyan. Ayon sa American Council on Exercise, maaari mong gawin ang muscle-toning abdominal exercise nang 2-3 beses kada linggo. Gayunman, tiyakin na may pahintulot ng iyong doktor ang mga gagawing ehersisyo.

· Paggamit ng Post-Pregnancy Support - Malaki ang maitutulong ng mga belly wrap para masuportahan ang abdominal muscle at mabawasan ang pagkakaroon ng c-section pouch. Nakatutulong din ito na suporta para sa pagpapagaling ng sugat na dulot ng c-section delivery. Gayunman, magkakaiba ang pagiging epektibo ng resulta nito sa bawat tao.

· Pagsunod sa Post-operative Care - Tiyakin na nasusunod mong mabuti rin ang payo o tagubilin ng iyong doktor sa pangangalaga ng iyong sarili pagkatapos ng operasyon. Mahalaga ito para sa pagpapagaling mo at maiwasan ang anumang posibleng maging komplikasyon ng operasyon.

Paano magpapayat ang bagong CS?

Bukod sa pag-iisip ng mga paraan ng pampayat, isa rin sa iniisip ng mga mommy paano ito gagawin dahil sa pagiging busy rin sa pag-aalaga o pag-aasikaso sa bagong baby. Totoo naman mapopokus ang atensyon mo sa iyong baby lalo na kung fist-time mom ka. Mabubuhos mo ang iyong oras dahil gusto mong makita ang bawat milestone ng iyong anak. Gayunman, ang paglalaan ng “me time” o oras para sa iyong sarili ay hindi masama. Mahalagang alagaan mo rin ang iyong pangangatawan para maiwasan ang posibleng komplikasyon kung magbubuntis ka ulit na labis ang iyong timbang.

Sa kabilang banda, mahalagang maging mapagpasensya sa sarili. Inirerekomenda rin sa website ng MedlinePlus, ang “Take Your Time.” Tandaang nagpapagaling ka pa mula sa cs delivery at nangangailangan ang iyong katawan ng sapat na panahon para maka-recover. Bigyan ng sapat na panahon ang sariling pumayat. Isaisip din ang posibilidad at tanggapin na maaaring hindi na bumalik sa dati ang iyong katawan. 

Maraming kababaihan na pangmatagalan ang epekto ng pagbabago sa kanilang pangangatawan ng pagbubuntis. Nariyan ang paglapad ng balakang, paglaki ng baywang, at paglambot o pagkulubot ng tiyan. Pinakamainam sa lahat, iwasan ang pagkumpara ng sarili sa iba dahil gaya ng nabaggit, magkakaiba ang bawat katawan. Gumawa ng makatotohanang plano para sa iyong pagpapayat at ‘yung makakayanan at magagawa mo.

4 Pillars To Good Health:
  1. Positive Mental Attitude.
  2. Healthy Lifestyle.
  3. Healthy Diet.
  4. Food Supplementation 

Related Article:



No comments:

Post a Comment