Friday, March 1, 2024

Luya (Ginger)




KAALAMAN TUNGKOL SA LUYA BILANG HALAMANG GAMOT

Scientific name: Zingiber blancoi Hassk.; Zingiber officinale Roscoe

Common name: Luya (Tagalog); Ginger (Ingles)

Ang luya ay isang bungang-ugat na kilalang pampabango o pampalasa sa mga pagkain. Ito ay isang halaman na may katamtamang taas, may patulis na mga dahon, at bilugan na bulaklak. Ito ay karaniwang pananamim sa maraming taniman sa buong kapuluan ng Pilipinas.

ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA LUYA?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang luya ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

Mayroong terpenoids, flavonoids, alkaloids, at tannins ang halamang luya.
Ang ugat ay may zingerone at shogaol na siyang nagbibigay ng amoy at lasa sa luya.
Ang langis mula sa ugat ay may gingerol, zingerone, zingiberene, cineol, borneol, phellandrene, citral, zingiberene, linalool, geraniol, chavicol, vanillyl alcohol, at camphene.

ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

Dahon. Maaaring dikdikin at durugin ang dahon upang magamit bilang pantapal sa ilang kondisyon sa katawan.

Ugat. Ang ugat ay karaniwang pinakukuluan upang makagawa ng salabat o ang tsaa mula sa luya. Maari din naman itong nguyain lamang o ipangpahid sa bahagi ng katawan.

ANO ANG MGA SAKIT AT KONDISYON NA MAAARING MAGAMOT NG LUYA?
  1. Rayuma. Maaaring dikdikin ang bungang-ugat ng luya at lagyan ng langis bago ipantapal sa bahagi ng katawan na nananakit dahil sa rayuma. Maaari ding painumin ng salabat, o ang pinaglagaan ng ugat ng luya, para sa pabaliklablik na rayuma.
  2. Sugat. Ginagamit naman bilang panlinis sa sugat ang katas ng bungang-ugat ng luya na hilauan ng 70% na alcohol.
  3. Hirap sa pagtunaw. Iniinom ang pinaglagaan ng bungang-ugat ng luya (salabat) na parang tsaa para sa kondisyon ng pananakit sa sikmura at hirap sa pagtunaw ng pagkain.
  4. Pagtatae. Dapat namang ipahid daw ang hiniwang luya sa paligid ng pusod upang maibsan ang kondisyon ng pagtatae.
  5. Ubo. Iniinom din ang salabat, o tsaa na mula sa pinaglagaan ng bungang-ugat ng luya para sa ubo.
  6. Sore Throat. Ang pananakit ng lalamunan ay maaari namang matulungan ng pag-inom sa salabat pati na ang pagnguya sa mismong ugat ng luya.
  7. Pasa. Ang pagpapasa naman sa balat ay maaaring tapalan ng dinikdik na dahon ng luya.
  8. Kawalan ng gana sa pagkain. Mahusay daw na pampagana ang pagkain sa luya na sinawsaw sa asin.
  9. Pagsusuka. Pinakakain din ng bungang-ugat ng luya ang taong nakararanas ng pagsusuka at pagliliyo.
  10. Pamamanas sa katawan. Ang paginom naman sa katas ng ugat ng luya ay mabisa para mawala ang pamamanas o ang pagkakaroon ng tubig sa katawan.
  11. Pananakit ng ulo. Ang dinikdik na luya ay pinangtatapal sa noo ng taong nakararanas ng nananakit na ulo.
  12. Pagkawala ng boses. Mabisang lunas para sa pagkawala ng boses ang pag-inom ng salabat mula sa ugat ng luya, o kaya ay pagsispsip at pagnguya sa mismong bungang-ugat na luya.

Share This To People You Love and Care About ....

No comments:

Post a Comment